Hinimok ng isang election watchdog ang kongreso na magpasa ng batas na magsi-synchronize sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Commission on Elections (COMELEC) para alisin ang proseso ng voter registration.
Ginawa ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang rekomendasyon sa COMELEC gayundin sa Senate at House of Representatives matapos ang ulat ng resumption ng voter registration noong July 4 hanggang 23.
Anila, isa sa listahan ng kanilang mungkahi ang pag-apruba ng isang batas na “pahihintulutan ang data sharing” sa pagitan ng PSA at COMELEC para makatipid sa gastos at oras ng mga lokal na tanggapan ng ahensya maging sa mga botante na magsusumite ng aplikasyon.
Samantala, hinimok din ng grupo ang kongreso na pag-aralan ang sistema na ginagamit sa Indonesia kung saan inaatasan ang gobyerno nito na magbigay ng datos sa populasyon ng mga potensyal na botante sa halalan na gagamitin ng Indonesian General Elections Commission.