Humihingi ng kopya ng narco – list ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa pagdinig ng house committee on appropriations, hiniling ni Lanao del Norte Congressman Abdullah Dimaporo mismo kay Interior and Local Government OIC Secretary Catalino Cuy at PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na magbigay ng kopya ng narco list ni pangulong duterte.
Ayon kay Dimaporo, bukod sa kailangan nila ang nasabing dokumento para mabalangkas ang 2018 budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ay nakababahala aniya kung hindi masisiwalat ang mga pangalan ng politikong nasa listahan ni Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Dimaporo posibleng gamitin aniya ng ilang mga grupo ang nasabing narco – list para gumawa ng mga akusasyong sangkot sa iligal na droga ang ilang politiko bilang paninira sa nalalapit na eleksyon.
Una rito, kinumpirma mismo ni Cuy at ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sa kaparehong pagdinig ang hawak na narco – list ni Pangulong Duterte na nagmula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalan at kinonsolidate ng Office of the President.
By Krista de Dios | Ulat ni Jill Resontoc