Pinaaapura ng isang think tank sa Kongreso ang pagpasa sa site blocking bill upang makatulong sa pagtugon sa piracy sa Pilipinas.
Nabatid na ang Pilipinas ay kasalukuyang walang legislative mandate upang harangin ang mga sites na may pirated content kaya’t nagtutulungan lamang ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), National Telecommunications Commission (NTC), at mga internet service providers sa pagpapatupad ng stopgap measures upang harangin ang mga sites na may pirated content.
“We thus make an urgent call to our senators to act on the Site Blocking Bill, now pending before their chamber. This bill amends the existing Intellectual Property Code of the Philippines by enabling the IPOPHIL to shut down sites containing pirated content, thus allowing it to act swiftly in the fight against piracy,” wika ni Stratbase ADR Institute President, Prof. Dindo Manhit.
Sinasabing dalawang magkahiwalay na bills — Senate Bills 2150 at 2385 — ang kasalukuyang nakahain sa Senado upang amyendahan ang IP code at alisin ang mga umiiral na limitasyon upang masakop ang electronic at online content sa depinisyon ng pirated goods.
Ayon sa IPOPHL, ang pagrebisa sa 27-year-old IP code at pagmamandato sa mga awtoridad na i-disable ang access sa online sites na nanghihimasok sa copyrighted materials ay kanilang ikatutuwa, sinabing matagal na nilang isinusulong ang pagsususog nito at nakahandang ipatupad sa sandaling maipasa.
Samantala, noong 2022, ang Pilipinas ay nawalan ng tinatayang $700 million dahil sa piracy ng Filipino-made TV shows at movies, kung saan ang bansa ay pinangalanan bilang isa sa top consumers ng pirated content sa Asia, ayon sa YouGov 2022 Piracy Landscape Survey.
“Aside from the economic toll on creative workers and on the creative industry, piracy is a dangerous activity that compromises users’ security whenever they go to sites distributing pirated content. They stand to lose their assets, their privacy, and even be victimized and held liable because their identities have been used for criminal activities,” ani Manhit.
Napag-alaman na sa pagtaya ni IPOPHL Director General Rowel Barba, magkakaroon ang bansa ng $1 billion na revenue leakage sa 2027 kapag nagpatuloy ang suliranin sa online piracy.
Isiniwalat naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kinukuha ng piracy ang 7.1 percent ng gross domestic product (GDP) ng bansa na nagreresulta sa pagkawala ng kita ng bansa at kabuhayan, at nagbabanta ring magpasok ng malware sa mga device na gumagamit ng pirated content, na maaaring maging daan para sa scams.