Nakatakdang itayo ang Philippine National AIDS Council bunsod ng nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng kaso ng HIV-AIDS sa bansa kung saan mas marami ang apektadong millennials.
Batay sa tala ng United Nations nasa 10,500 Pinoy ang may HIV sa pagtatapos ng 2016 na tumaas ng 140 percent kumpara noong 2010 na 4,300 lamang ang mayroon nito.
Edad 15 hanggang 34 naman ang tinaguriang “vulnerable” kung saan 629 ang natuklasang positibo sa HIV nitong Abril.
Ayon kay Davao City Representative Karlo Nograles, Chairman ng House Committee on Appropriations, aprubado na ng kaniyang komite ang pondo sa panukalang Philippine HIV and AIDS Policy Act.
Layon ng Philippine National AIDS Council na magbalangkas ng polisiya, plano koordinasyon at pagbibigay payo sa Philippine National HIV and AIDS Program ng bansa.
—-