Nagsimula nang maghanda ang House of Representatives para sa special session.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, habang hinihintay nila ang pormal na kahilingan mula sa Malakanyang para sa special session ay inatasan na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang house secretariat na magsagawa ng kaukulang preparasyon.
Mahalaga anya ang official communication mula sa Malakanyang upang maging giya nila kung ano ang dapat asahan at talakayin sa special session.
Binigyang diin ni Romualdez na nakahanda ang Kongreso na ibigay sa pangulo ang kinakailangang kapangyarihan o basbas upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino na maaaring madamay sakaling magkaroon ng giyera sa pagitan ng Amerika-Iran at Iraq.
Una nang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na hihilingi sya ng special session sa Kongreso upang matalakay ang paglalaan ng pondo para sa repatriation ng mga Pilipinong nasa Iran at Iraq.