Sumailalim na sa RT-PCR test ang lahat ng employees, attendees, at mga police personnel bilang bahagi ng full swing o puspusang preparasyon para sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bukas, araw ng Lunes, July 25.
Nakalatag na rin ang mga health screening sa Batasang Pambansa Complex, kung saan pangungunahan din ni Pang. Marcos ang joint session sa Kongreso.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms Rodelio Jocson, mayroon na silang inilabas na instructions hinggil sa kung ano ang mga dapat gawin at dapat dalhin kasabay ng pakiusap na sundin ang lahat ng ipinatutupad nilang health protocol.
Giit pa ni Jocson, hindi papayagang makapasok ang mga hindi invited at wala sa guest list.
Nagsagawa rin ng pag-iinspeksyon sa venue ang Malacañang officials at ang Presidential Security Group (PSG) kasabay ng pagbisita dito ni Film director Paul Soriano, na siyang magdidirek sa SONA ng Presidente.
Sinabi pa ni Jocson, na hanggang sa ngayon walang natatanggap na anumang banta sa seguridad ng SONA at makasisiguro aniya ang publiko na nakahanda ang pulisya at kasundaluhan na tumulong upang maidaos nang maayos ang pagbibigay ulat sa bayan ni Pang. Marcos.