Nanindigan si dating Health Secretary Paulyn Ubial na inudyukan siya ng mga mambabatas na palawigin at palawakin pa ang dengue vaccination program ng pamahalaan.
Ito’y sa kabila ng pagtanggi ng asawa ni dating DOH Secretary Janette Garin na si Iloilo Representative Oscar Garin Jr. at Cebu Representative Gwen Garcia na pinilit nila si Ubial na gawin ang expansion ng programa sa Region 8.
Sa panayam ng DWIZ kay Ubial, mayroon na aniyang naging pasya ang binuo niyang panel noong Hulyo ng nakalipas na taon para ipatigil ang pagtuturok ng dengvaxia sa mga kabataan.
“Sa akin lang is dapat yung science hindi na pinapasukan ng pulitika, mayroong desisyon yung expert panel na kinonvene ko July 21 na huwag nang ipatuloy, last year, tapos yung budget hearing I think was around August, September, may desisyon na, na hindi itutuloy, tatapusin na lang yung nabigyan ng first dose, tatapusin up to three doses, yung nabigyan nung April, May up to June, sa Region 3, 4-A and NCR, na decision ng expert panel na yun na lang ang itutuloy.” Ani Ubial
Nilinaw din ni Ubial na kanilang ibinatay sa inilabas na rekomendasyon ng binuo niyang expert panel ang pagpapatigil sa nasabing programa
“Kung hindi yan tinake up doon, tapos na yung desisyon eh, hindi na kami magkakaroon ng dilemma whether to expand it or not, and when asked for a second panel to convene for second opinion, I did that but that was their decision, I based my decision on the recommendation of the expert panel.” Dagdag ni Ubial
“Mga programa ng DOH suportahan na lang kaysa kuwestyunin”
Hindi rin napigilang maglabas ng sama ng loob ni Ubial sa mga mambabatas na kumukuwestyon sa mga programang bakuna ng pamahalaan.
Kasunod ito ng naging pagbubunyag ni Ubial hinggil sa pakikialam umano ng mga mambabatas kung saan, inudyukan siyang bumili ng mas marami pang mga bakunang dengvaxia kahit tinututulan niya ang pagpapatupad nito.
Sinabi sa DWIZ ni Ubial na hindi dapat ginagawang pampapogi ng mga pulitiko ang naturang programa dahil nasasakripisyo rito ang kalusugan ng taumbayan.
“Hindi ko po sinasama sa diskusyon ng budget dahil that is a health decision, ang programa ng DOH huwag na po nilang ikukuwestyon, kasi yan ay pinag-aralan at pinag-aaralan nang mabuti para ma-ensure yung safety at kalusugan ng ating mga kababayan, yun lang po, ayoko na sanang magsalita pagkatapos nung hearing but I felt it was very important to change the system.” Pahayag ni Ubial
Nakalulungkot ani Ubial na sinusunod niya ang mga proseso gayundin ang mga rekomendasyon ng mga eksperto subalit siya pa rin ang masisisi sa dakong huli.
“Sa panahon na yun parang I made a decision and I own up to that decision eh bakit ngayon ako pa ang sinisisi nila bakit ko inexpand, so I have to tell the truth, what happened na although there was pressure parang dinaan ko pa rin sa proseso, I consulted the experts, we looked at all the evidence that was available at that time when I made the decision and I own up to that decision.” Ani Ubial
(Sapol Interview)