Target na maipasa ng kongreso sa susunod na buwan ang proposed 5.268 trillion pesos na General Appropriations Bill o ang panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson at Ako Bicol Party-List Representative Elizaldy Co, ‘on-track’ ang kamara sa pagkamit ng kanilang target na petsa upang maipasa ang proposed national budget.
Binigyang-diin ni Co na 14 na mula sa 34 na ahensya na may kanya-kanyang budget proposals ang sumailalim sa kanilang deliberasyon at kanilang nahimay.
Sinabi rin ng mambabatas na inaasahang matatapos ang mga budget hearings sa September 16 at pagsapit ng September 21 ay masisimulan naman ang plenary debates para rito.
Matatandaan na una nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na posibleng sa unang bahagi ng buwan ng Oktubre ay maipapasa na nila sa upper chamber ang 2023 National Budget Bill.