Iginiit ni Atty. Romulo Macalintal na hindi naaayon sa Saligang Batas ang plano ng Kongreso na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan election na nakatakda sanang idaos sa Oktubre 23.
Ayon kay Macalintal , tanging COMELEC o Commission on Elections lamang ang may kapangyarihan na ipagpaliban ang halalan at ang tungkulin lamang aniya ng Kongreso ay ang magtakda ng termino ng mga opisyal ng barangay.
Paliwanag ni Macalintal, kung ipagpapaliban ang halalan, maaaring humaba ang nakatakdang termino ng mga opisyal na sa kasalukuyan ay nasa tatlong taon lamang.
Dagdag pa ni Macalintal , hindi maaaring magtalaga ng mga pansamantalang mangangasiwa sa mga barangay dahil taumbayan aniya dapat ang maghalal sa mga ito.
Nauna rito , nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niyang magluklok ng officers-in-charge o OICS sa barangay taliwas sa nauna niyang pahayag.
Sa ngayon , nagkasundo na ang Senado at Kamara na isagawa na lamang sa Mayo 2018 ang Barangay at SK elections.
SMW: RPE