Isang konsehal sa Maguindanao at escort nito ang patay sa karambola ng mga sasakyan sa Bayan ng M’lang, Cotabato.
Kinilala ni Lt. Colonel Realan Mamon, Hepe ng M’lang police, ang mga nasawi na sina Musa Bago, Municipal Councilor at residente ng Datu Piang, Maguindanao at kanyang escort na si Dong Bago.
Lulan anya sina Bago ng Toyota Hilux Pickup nang makabangga ang isa pang sasakyan sa National Highway sa Purok 5, Barangay Langkong, ala-6:30 kahapon ng umaga.
Limang iba pa na lulan ng pick up ang sugatan at isinugod sa M’lang District Hospital sa Barangay Poblacion.
Bukod sa Hilux, sangkot din sa karambola ang isang Honda Brio na minamaneho ni Nataniel Niar Narciso, empleyado ng DOTr-Region 12;
Ford Ranger, na minamaneho ng isang empleyado ng DENR at isa pang Toyota Hilux na minamaneho naman ni Resurreccion Pueyo, Director ng Civil Service Commission-Region 12.
Inabot ng halos limang oras bago na-retrieve ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang katawan nina Bago na agad inilibing sa Datu Piang alinsunod sa tradisyong Islam.