Nakatakda nang simulan ngayong unang bahagi ng taon ang konstruksyon ng tatlong climate-resilient bridges na idinesenyo upang i-decongest ang ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila at makalikha ng mas maraming trabaho.
Tinukoy ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang Marcos Highway-Saint Mary Avenue Bridge, Homeowner’s Drive-A. Bonifacio Bridge at Kabayani Street-Matandang Balara Bridge na bahagi pa rin ng Build, Build, Build Program ng Duterte administration.
Ayon kay Dominguez, nagkakahalaga ng 8.8 billion pesos ang mga naturang infrastructure project na target tapusin sa taong 2026.
Ang mga nasabing tulay na tatawid sa Marikina River at kabilang sa 12 itatayo sa ilalim ng Metro Manila Bridges Project, ay may kakayahang tumindig sa kabila ng mga malakas na lindol at inaasahang makababawas sa flood risks sa mga naturang lugar.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa Asian Development Bank para sa pag-popondo sa konstruksyon ng mga tulay.