Maaari nang simulan ang pagpapatayo ng 2.5 – kilometer elevated expressway mula Circumferential Road o C3 sa Caloocan hanggang sa Radial Road o R-10 sa Navotas.
Ito ay matapos na matanggap ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) ang construction notice mula sa pamahalaan para maumpisahan na ang nasabing proyekto.
Ayon kay MNTC President Rodrigo Franco, layunin ng elevated expressway na pabilisin ang biyahe mula sa port area patungo sa mga hilagang probinsya sa Luzon sa pamamagitan ng North Luzon Expressway o NLEX.
Dagdag pa ni Franco, makakatulong ito para mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA at ilan pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Samantala, sa oras na matapos ang proyekto, aabutin na lamang ng sampung minuto ang biyahe mula sa Manila ports hanggang NLEX.