Inihayag ng Department of Health (DOH) na nakikita nilang dahilan ang kontaminadong tubig sa pagtaas ng mga kaso ng cholera sa Western Visayas at Central Luzon.
Nabatid na kabilang ang dalawang rehiyon sa mga lugar na lumampas sa epidemic threshold ang kaso ng cholera.
Naitala sa Western Visayas ang mahigit 100 na kaso ng nasabing sakit at halos 150 naman sa Central Luzon mula Enero hanggang Oktubre ng taong ito.
Ayon kay Dr. Marie Jocelyn Te, Head ng Infectious Disease Section ng DOH-Western Visayas Center for Health Development (CHD), kontaminado ng human waste o dumi ang tubig na mula sa balon na pinagkukunan ng mga residente sa nasabing lugar dahil malapit ito sa ilog, kanal at septic tank.
Sinabi naman ni Dr. Corazon Flores, Director ng DOH Central Luzon-CHD, na nagpositibo sa bacteria ang isang water refilling station sa lugar kaya’t posibleng ito ang pinagmulan ng impeksyon.
Samantala, iginiit ng World Health Organization (WHO) na dapat tutukan ang cholera dahil sa mabilis na paglaganap nito.