Tumindi pa ang kontrahan sa pagitan ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isyu ng pagbuwag sa Road Board.
Sa harap ito ng pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na ipadadala na niya sa Malacañang ang pinagtibay nilang bicameral conference report sa panukalang pagbuwag sa Road Board.
Ayon kay House Majority Leader Ronaldo Andaya, hindi rin lalagdaan ng Pangulo ang ipadadalang kopya ng Senado kung wala ang katapat nitong kopya na pinagtibay ng Kamara at may lagda ng House Speaker.
Kinontra rin ni Andaya ang pahayag ni Sotto na mismong ang Pangulo ay nais na mabuwag ang Road Board.
Bago aniya sila nagpasya na bawiin ang suporta sa ipinasa nilang panukala para sa abolition ng Road Board ay kinausap na nila ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang diin ni Andaya na malinaw ang instruction sa kanila na ituloy ang operasyon ng Road Board basta’t tiyakin lamang na walang katiwaliang nagaganap dito.
Una rito, sinasabing ginagawang gatasan ng ilang kongresista ang Road Board.
—-