Nagpahayag na ng pagkadismaya ang ilang kawani ng pamahalaan dahil sa mga napakong pangako umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ng Social Welfare Employees Association of the Philippines, bigo umano ang administrasyong Duterte na iregular ang lahat ng kawani ng pamahalaan na ngayo’y nasa ilalim pa rin ng kontraktuwalisasyon.
Ayon kay Manny Baclagon, Pangulo ng grupo, dapat aniyang iregular na ang mga kawani ng gubyerno sa lalong madaling panahon kung talagang nais nito na mabawasan o di kaya’y tuluyan nang matuldukan ang korapsyon.
Kaya aniya nagiging tiwali ang ilan sa mga kawani ng pamahalaan ay dahil sa hindi sila nakatitiyak kung hanggang kailan sila mananatili sa kani-kanilang mga trabaho.
Batay sa tala ng Civil Service Commission o CSC noong isang taon, aabot sa humigit kumulang kalahating milyong mga manggagawa sa pamahalaan ang nasa ilalim ng job order at hindi nakatatanggap ng tamang benepisyo.
—-