Nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal na ligal at walang anumang naging paglabag sa pinasok nilang kontrata sa 3rd Telco player na Dito Telecommunity Corporation.
Sa natatanging panayam ng media sa AFP Chief, nilinaw nito na walang bagong pasilidad na itatayo ang naturang Telco sa mga kampo militar.
Aniya, may mga nakatayong cell sites na sa labas ng ilang kampo sa bansa na nagsisilbi ring relay stations ng militar kung saan makikikabit ng kanilang mga kagamitan ang Dito Telecommunity tulad ng ginawa na noon ng Globe at Smart Telecoms.
Sinabi pa ni Madrigal na ang kontratang pinasok ng AFP ay kaniyang inaprubahan ‘in good faith’ dahil sa aprubado na rin ito ng National Telecommunications Commission (NTC) at ng Departmenf Information and Communications Technology (DICT).
Kaya naman, walang kakaba-kabang sasagutin ni Madrigal ang mga katanungan hinggil sa naturang kontrata sakaling magpatawag ang Senado o Kamara ng imbestigasyon dito lalo’t iginiit niyang wala silang pananagutan sa nasabing kasunduan.