Inamin ng PhilHealth na bumagsak ang kanilang koleksyon sa kontribusyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ito ang inihayag ni Overseas Filipino Program Senior Manager Chona Yap sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo hinggil sa collection policy ng PhilHealth sa mga OFW’s.
Ayon kay Yap mula sa 3 milyon OFW na nasa kanilang database, 320,000 lamang na OFW ang kanilang nakokolektahan ng premium contribution ngayong taon.
Paliwanag ni Yap, nahihirapan silang mangolekta sa mga OFW dahil sa kawalan ng mga opisina o representatives sa ibang mga bansa.
Dagdag pa ni Yap, mayroon lamang silang limang accredited collecting agents sa ibang mga bansa at partners na local agents na kung saan doon nagbabayad ang mga OFW.
Dahil dito, hiniling ng PhilHealth ang tulong ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na posibleng makatulong para tumaas ang kanilang nakokolektang premium contributions sa OFW’s.