Ipinasara na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang kontrobersyal na Boracay West Cove Resort dahil sa patuloy nitong pag-o-operate nang walang business at iba pang permits.
Ito’y sa gitna ng ikinakasang deklarasyon ng State of Calamity at planong shutdown sa Boracay simula Hunyo hanggang Setyembre dahil sa mga paglabag sa environmental laws ng mga business establishment sa isla.
Isinilbi ng mga Municipal Official at personnel ang closure order sa Barangay Balabag, kahapon.
Magugunita noong Pebrero ay pinuntahan ni Environment Secretary Roy Cimatu ang resort at ipinag-utos ang demolisyon sa mga iligal na istruktura kabilang ang mga nakatayo sa ibabaw ng rock formations.