Pina-iimbistigahan ng LP o Liberal Party ang kontrobersyal na pagsasayaw ng grupong Playgirls sa birthday party ni Laguna 4th District Congressman Benjie Agarao.
Itoy makaraang makaladkad sa isyu ang pangalan ng kanilang standard bearer, dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na naroon rin sa pagtitipon dahil kasabay ito ng panunumpa ng mga bagong miyembro ng Liberal Party (LP).
Ayon kay Roxas, hindi niya nasaksihan ang nangyaring sayawan dahil nasa ibang panig siya ng compound at hindi kasama sa audience.
Binigyang diin ni Roxas na mariin niyang ipinagbabawal sa anumang aspeto ng kanyang kampanya ang pananamantala sa mga kababaihan.
Nanawagan si Roxas sa kanyang mga kapartido na iwaksi ang mababang klase ng gimik sa kanilang kampanya dahil hindi ito makakatulong sa pagtaas ng antas ng pampublikong diskurso.
Congressman Benjie Agarao nag-sorry
Humingi ng paumanhin si Laguna 4th District Congressman Benjie Agarao sa kontrobersyang dala ng malaswang pagsasayaw ng grupong Playgirls sa oath taking ng mga bagong miyembro ng Liberal Party sa Laguna na kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Nakaladkad sa isyu si LP standard bearer Mar Roxas dahil ito ang nanguna sa pagpapanumpa ng mga bagong LP members.
Ayon kay Agarao, hindi nila nakita nina Roxas ang di umano’y kalaswaang nangyayari sa stage dahil kumakain sila sa bandang itaas ng venue.
Sinegundahan rin ni Agarao ang pagtanggi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na siya ang nag-imbita sa dancers at iniregalo ito sa kaarawan ng kongresista.
Samantala, nilinaw ni Michael Tupaz, manager ng Playgirls na isang booker ang nag-imbita sa kanila para mag-perform ang Playgirls sa birthday ni Agarao.
Sinabi ni Tupaz na ang booker na rin ang nag-abot sa kanila ng bayad sa kanilang serbisyo noong dumating sila sa birthday party ni Agarao kaya’t hindi na nya inalam kung kanino nagmula ang pera.
By Len Aguirre
Photo Credit: Chris Barrientos