Hiniling ng Philippine National Police o PNP ang kooperasyon ng publiko sa pinaigting nilang kampanya kontra mga tambay.
Tiniyak ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar na ito ay para sa kapakanan din ng publiko.
Ipinaliwanag ni Eleazar na layon ng naturang hakbang na mapigilan ang paglaganap ng mga krimen at gawing ligtas ang mga lansangan.
“Kapag hinayaan kasi namin itong mga petty crimes, the tendency is for more crimes to be committed at eventually serious crimes na ‘yan. Ang ating method is to address the crimes habang maliit pa, hindi po ito para sa pulis para po ito sa ating mga kababayan para magkaroon tayo ng tahimik na pamayanan at through your cooperation, and through our efficient enforcement of this ay ma-a-attain po natin ang simpleng bagay, simpleng solusyon, simpleng resulta na maganda para sa ating pamayanan.” Ani Eleazar
Nilinaw naman ni Eleazar na hindi na bago ang naturang kampanya kontra mga tambay.
Binigyang diin ng NCRPO Chief na pinaigting lamang ng PNP ang pagpapatupad ng mga ordinasa gaya sa Metro Manila.
“Nililinaw natin na ang mga inaaresto natin ay may mga violation, ito po ‘yung ordinances na nava-violate kagaya ng umiinom sa kalye, nakahubad sa lansangan, umiihi sa iba’t ibang lugar, nagsusugal, naninigarilyo at sa mga minors violation ng curfew, kung nahuli kayo dahil sa mga ‘yan ay tama lang po ‘yun, pero kung wala naman kayong vina-violate na any ordinance at nag-iipon lang naman kayo at nag-tatambay, wala pong problema ‘yun, pero ang ating mga awtoridad naman on their sound judgement puwede kayong lapitan at tanungin, i-caution o paalalahanan kayo kung anong ginagawa niyo sa mga lugar na ‘yan lalo’t dis oras na ng gabi.” Dagdag ni Eleazar
Batay sa tala ng NCRPO, nasa mahigit limanlibong (5,000) tambay na ang kanilang nadadampot sa mga lansangan.
Tiniyak naman ni Eleazar na hindi nila kukunsintihin kung may mga pulis na lalabag sa karapatan ng mga sibilyan.
“Yung kanilang mga concerns na allegedly pag-aabuso itinatama natin ‘yan na sana sa pagpapaliwanag natin ay inaasahan nating tutugon ang ating mga mamamayan.” Pahayag ni Eleazar
—-