Nanawagan ng kooperasyon ng publiko ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa idaraos na traslacion ng Itim na Nazareno sa Sabado Enero 9.
Paki-usap ni Manila Police District Operations and Plans Division Chief Lucile Faycho sa mga makikilahok sa traslacion na huwag nang magdala ng mga bata at matatanda sa prusisyon upang maiwasan ang anumang disgrasya.
Tinatayang nasa 10 milyong deboto ang bubuhos sa traslacion sa Sabado.
Kaya naman, bumuo na ang NCRPO ng Task Force Nazareno na siyang magiging katuwang ng AFP, DOH, Philippine Red Cross, Bureau of Fire Protection, lokal na pamahalaan ng Maynila at Philippine Coast Guard sa pagtiyak ng seguridad at kaligtasan ng mga lalahok na deboto.
Kaugnay nito, hindi na panghihimasukan pa ng national headquarters ng Philippine National Police o PNP ang ginagawang security preparations para sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa darating na Sabado, Enero 9.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, nasa jurisdiction na ng Manila Police District o MPD ang pangangasiwa sa pagbabantay sa mga magsisilahok sa naturang prusisyon.
Gayunman, tiniyak ni Mayor na naka-standby ang National Capital Region Police Office o NCRPO para magpadala ng augmentation force na aalalay sa MPD sakaling kailanganin.
By Ralph Obina | Jelbert Perdez | Jonathan Andal