Inilampaso ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa 2015 FIBA Asia Championship sa score na 101-50.
Ito ang unang panalo ng Philippine National Men’s basketball team matapos gibain ng Palestine sa unang laro sa FIBA Asia sa Changsha, China.
Sa unang yugto pa lamang ng laro ay gumawa na ng 12-0 run ang Gilas at mula noon ay hindi na ito lumingon.
Kumamada si Jayson Castro ng 21 points habang nag-ambag naman si naturalized player Andray Blatche ng 17 points para sa Pilipinas.
Tumipa rin si Dondon Hontiveros ng 14 points na isa sa mga nakatulong upang mabaon nang husto ang mga Tsino.
Una rito, tinalo naman ng host china ang Singapore sa score na 91-42 habang tinambakan din ng Iran ng 38 points ang Japan.
By Jelbert Perdez