Wala pa ring talo sa tatlong magkasunod na laro ang Philippine National Youth Basketball Team sa FIBA Asia Under-16 Championship.
Kasunod ito ng ginawang pagdispatsa ng batang Gilas sa Iraq sa score na 78-69 sa kanilang bakbakan sa second round Group F sa Britama Arena sa Jakarta, Indonesia.
Si Gian Mamuyac ang nanguna sa koponan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng score na 16 points habang si Harvey Pagsanjan naman ay nagtala ng 13 points.
Nag-ambag din si team captain sj Belangel ng 10 points at team-high six assists dahilan upang magwagi ang batang Gilas.
Dahil sa panalo, may puwesto na ang national youth basketball team sa quarterfinals kung saan nasa hanay nila ang China, Japan at Chinese Taipei na wala pa ring talo sa FIBA Asia tilt.
Makakasagupa ng batang Gilas ang South Korea bago ang three-time defending champion China sa isang Group F match bago sasabak sa knockout rounds.
By Jelbert Perdez