Hinihintay na lamang ngayon ng militar ang kopya ng DNA results mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Pambansang Pulisya hinggil sa napaslang na Maute-ISIS leader na si Owaidah Benito Marohombsar alyas Abu Dar.
Ayon iyan sa isang source mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumanggi munang magpabanggit ng pangalan makaraang kumpirmahin ng Philippine Army na nag-match nga ang nakuhang DNA samples ng militar mula sa bangkay ni Abu Dar sa Pagawayan, Lanao del Sur noong Marso 14.
Sinabi pa ng source na noong isang Linggo pa lumabas ang DNA results at iniulat ito sa AFP ng kanilang counterparts mula sa Estados Unidos subalit hindi pa nila naibibigay ang kopya ng nasabing pagsusuri.
Partikular na kinuhang sample mula sa naturang bangkay para sa DNA test ay ang buhok nito gayundin ang buhok ng kanyang mga anak.
Magugunitang mayroong tatlong milyong pisong reward na nakapatong sa ulo ni Abu Dar na bukod pa sa karagdagang tatlong milyong pisong donasyon mula sa ilang mga local chief executives.
Sa panig naman ng PNP, wala pa silang maibigay na anumang pahayag hinggil dito mula sa PNP-SOCO na siyang humawak ng mga DNA samples mula sa lider terorista.
(Ulat ni Jaymark Dagala)