Iprinisinta sa Kongreso ang kopya ng panukalang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan sa Federalismo.
Sa ilalim ng panukalang Federal Constitution, magkakaroon ng federal government subalit pananatilihin ang Presidential form of government na mayroon pa ring dalawang Kongreso.
Gayunman, magkakaroon naman ng regional government na kabibilangan ng regional assembly at local governments.
Batay sa panukala na inihain nina ABS Party-list Representative Eugene de Vera at Congressman Aurelio Gonzales Jr., ihahalal pa rin ang President at ang kanyang kapangyarihan ay kahalintulad pa rin ng nasa 1987 Constitution.
Dalawa hanggang anim na senador naman ang pwedeng ihalal kada rehiyon depende sa dami ng kanilang populasyon.
Samantala, ang federal government ay bubuoin ng 18 rehiyon na pamumunuan ng Regional Governor at Regional Assembly.
Nakasama na sa panukala ang Bangsamoro region na binubuo ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.
Sinasabi sa panukala na magiging gabay pa rin ng lokal na pamahalaan ang Local Government Code of 1991.
Samantala, pananatilihin naman ang kapayarihan ng Federal Supreme Court sa ilalim ng 1987 Constitution.
Inaasahang maaprubahan ng House Committee on Constitutional Amendments ang panukala sa Nobyembre upang maisalang sa plenaryo sa Enero ng susunod na taon.