Personal na kinuha ng kinatawan ni Senador Leila De Lima ang kopya ng reklamo laban sa kanya.
Sa isang pahinang letter of authority na pirmado ni De Lima, nakasaad dito na binigyan niya ng karapatan ang kanyang staff na si Romeo Siazon bilang kanyang representante upang makakuha ng kopya ng mga reklamo at supporting document na isinampa ng VACC, NBI, mga dating NBI Deputy Director na Sina Ruel Lasala at Reynaldo Esmeralda, gayundin ang reklamong isinampa ng high-profile inmate na si JB sebastian.
Mahigpit naman ang tagubilin ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, Chairman ng Panel of Prosecutors na dapat ay personal na panumpaan ng mga respondent ang kani-kanilang mga kontra salaysay sa harap ng panel sa susunod na pagdinig.
Sa panig naman ng mga respondent na high-profile inmate, iniatas ng panel na panumpain na lamang muna ang mga ito sa harap ng isang notary public sa loob ng bilangguan at saka na lamang hahanap ng pagkakataon ang mga piskal para personal na puntahan ang mga bilanggo sa kulungan para sa reaffirmation ng kanilang affidavit.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo