Nasagip ng Philippine National Police Anti – Kidnapping Group (PNP – AKG) ang isang Koreano na dinukot ng mga kapwa nito Koreano at ilang tauhan umano ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, nasagip ang biktimang si Lee Jung Dae sa parking lot ng Bureau of Immigration sa Intramuros, Maynila nitong Sabado, isang araw matapos itong dukutin sa kanyang bahay.
Naaresto sa parking lot ng Immigration ang mga suspek na sina Cha Jae Young, Chae Jae Su at ang Pilipinong si Raymond Villamor na nagbabantay sa biktima habang hinihintay ang 1.2 milyong pisong ransom.
Isa pang Koreano na nagngangalang Kim Min Kwan ang naaresto sa ikinasang follow up operation.
Ayon kay Dela Rosa, ang mga naarestong Koreano ang nagsisilbing spotter o taga – hanap ng mabibiktima at saka ibibigay ang pangalan sa kakuntsaba umano nila sa Immigration na siya namang gagawa ng pekeng warrant of arrest at mission order na ipinapakita sa kanilang mga target.
Ayon naman sa isang naarestong Koreano, isang Carlos Garcia na may alyas OXO, na immigration agent umano ang kasabwat nila sa mga kidnap for ransom operation.
May kasama pa umano itong tatlong NBI agents at dalawa pang immigration agents na pinaghahanap na ngayon ng PNP.