Kumpirmadong pinatay sa loob ng Camp Crame, Quezon City ang dinukot na Korean Businessman na si Jee Ick-Joo, batay sa testigo na hawak ng Philippine National Police o PNP na isa sa kasamahan ni SPO3 ricky Sta. isabel.
Ayon sa source ng DWIZ na isang high ranking police official, sa gilid lamang ng Press Corps Office malapit sa EDSA-gate o sa mother unit ni Sta. Isabel na Anti-Illegal Drugs Group ginawa ang krimen, noong Oktubre 18.
Malapit lamang din ang crime scene sa tanggapan ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa at kanyang official residence sa kampo.
Isiniwalat din ng hindi pinangalanang police official na habang nasa itim na sports utility vehicle na Ford Explorer na personal na sasakyan ni Jee, ay binalot si Jee ng packaging tape bago sinakal hanggang mamatay.
Dakong alas-10 umano ng gabi naganap ang krimen matapos dukutin ang dayuhan mula sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga.
Bagaman mayroong mga security cameras sa lugar, hindi na marekober ang mga footage kahit tatlong buwan pa lamang ang nakararaan.
By: Drew Nacino / Jonathan Andal