Hinimok ng dalawang abogado ang Korte Suprema na kumilos na sa kanilang inihaing disbarment case laban kay Atty. Lorenzo Gadon, ang pangunahing complainant sa impeachment case ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa kanilang sulat kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, ipinaalala nila Atty. Algamar Latiph at Musa Malayang sa mahistrado ang kanilang inihaing reklamo laban kay Gadon noong Abril ng nakaraang taon.
Ayon kina Latiph at Malayang, hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na kopya ng komento mula kay Gadon o kung idineklara na ang kaso bilang submitted for resolution dahil sa kabiguan ng respondent na maghain ng komento.
Nag-ugat ang disbarment case laban kay Gadon matapos na magbanta umano ito na handa siyang ipapatay ang mga taga-Mindanao kasama ang mga babae at bata para maibalik anito ang kapayapaan sa nasabing rehiyon noong panahon ng kampanya.