Ibinasura ng Korte Suprema ang Writ of Kalikasan petition at Writ of Continuing Mandamus na isinampa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at 44 na mangingisda mula Zambales kaugnay sa usapin ng West Philippine Sea.
Kasunod na rin ito ng kahilingan ng mga mangingisda na bawiin o i-withdraw na ang kanilang pirma sa petisyon sa kadahilanang wala anila silang alam hinggil dito.
Maliban pa ito sa mosyon ng mga respondents sa pangunguna ng office of the solicitor general na maibasura ang petisyon dahil sa kawalan ng sapat na basehan.
Kaugnay nito, mariing pinaalalahanan ng Korte Suprema ang mga abogado ng petitioners na ugaliing maging handa sa mga kinakailangang ebidensiya bago humirit ng anumang extraordinary writ o hindi pangkaraniwang kautusan.
Ayon sa Korte Suprema, hindi maaaring gawing dahilan ng mga abogado na hindi nila ma-contact o matawagan ang kanilang mga kliyente kaya hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin.
Binigyang diin pa ng Korte Suprema na mananagot na ang mga abogado ng mga petitioners kung mauulit pa ang katulad na insidente.