Humingi ng paumanhin sa publiko ang korte suprema matapos magdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang 2022 Bar Examinations.
Aminado ang korte suprema na maraming mga pasahero at motorista ang naabala sa road closures ng ilang mga kalsada malapit sa lugar na pinagdarausan ng bar exams kahapon.
Matatandaang isinara ang ilang kalsada sa Metro Manila partikular na ang kalsada malapit sa De La Salle University, San Beda University, at Manila Adventist College.
Isinara din ang Estrada Street sa Taft North Bound hanggang Quirino Street gayundin ang Fidel Corner Noli Street sa likod ng DLSU.
Hindi din nadaanan ng mga motorisata ang San Beda sa Maynila, Concepcion Aguila Street at Mendiola Street, ilan pang lugar sa Pasay City, kabilang na ang San Juan Street at Donada Street hanggang Leveriza Street.
Sa ngayon, normal nang nadaraanan ang mga nabanggit na lugar pero sa darating na November 13, 16, at 20, muling ibabalik ang road closures partikular na ang mga kalsada malapit sa iba pang unibersidad at kolehiyo na gagawing local testing centers sa Luzon, Visayas, at Mindanao para sa Bar Exams.