Sa botong 10-0, ipinag-utos ng Korte Suprema sa gobyerno na bayaran ng mahigit 267 million US dollars ang Philippine International Air Terminals Company o PIATCO na bahagi ng mahigit 326 million US Dollars na principal amount na just compensation para sa naturang kompanya.
Ito’y kaugnay pa rin sa expropriation o ang ginawang pag-takeover ng pamahalaan sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3.
Sa mahigit 100 pahinang hatol na sinulat ni Associate Justice Arturo Brion, bukod sa naturang halaga ay pinababayaran din ng kataas-taasang hukuman ang ipinataw na interes na 12 porsiyento simula noong September 11, 2006 hanggang June 30, 2013.
Tinatayang mahigit sa P24 billion ang katumbas na halaga na dapat bayaran ng pamahalaan sa PIATCO.
Sinasabing naibawas na rito ang 59 million US dollars na paunang bayad ng gobyerno sa PIATCO dahil sa pagkuha sa kontrol ng gobyerno sa NAIA 3.
Nakasaad sa hatol na hangga’t hindi nababarayan ang PIATCO sa kabuoang halaga na ito ay pag-aari pa rin nito ang NAIA terminal 3.
Matatandaan na ang PIATCO ang nagtayo ng NAIA terminal 3 at taong 2006 nang makuha ng gobyerno ang full control sa naturang terminal mula sa kompanya sa bisa na rin ng writ of possession na inisyu ng Pasay Regional Trial Court.
By: Jelbert Perdez | Bert Mozo (Patrol 3)