Kinuwesyon ng mga senador ang kredibilidad ni outgoing prosecutor ng International Criminal Court na si Fatou Bensouda.
Ayon kay Sen. Francis Tolentino, kaduda-duda aniya ang kredibilidad ni Bensouda na aniya’y kasama sa listahan ng specially designated national sa ilalim ng administrasyon ni dating US President Donald Trump.
Ibig sabihin ani Tolentino, itinuring ng Amerika bilang terrorista si Bensouda kaya’t hinarang ang lahat ng kaniyang mga transaksyon sa bangko kahit pa nagsilbi siyang bank manager sa nasabing bansa.
Sa panig naman ni Sen. Christopher Bong Go, hindi dapat kagatin ang hirit ni Bensouda na imbestigahan ang war on drugs dahil wala itong karapatang manghimasok sa usaping panloob ng Pilipinas.
Sa huli, nanindigan ang mga senador na magpapatuloy ang kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga hanggang sa magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.