Binigyang diin ng Moscow, Kremlin na hindi nila nakikitang magiging matibay na ebidensya ang apat naraang pahinang report ni Special Counsel Robert Mueller kaugnay sa usapin ng umano’y panghihinamasok ng Russia sa 2016 US presidential polls.
Base sa ulat ni Mueller, nagkaroon umano ng extensive contacts sa pagitan ng 2016 election campaign ni Donald Trump at ng mga operatiba ng Russia upang masigurong magwawagi si Trump.
Ngunit ayon kay Kremlin Spokesman Dmitry Peskov, walang ipinapakitang credible evidence ang ulat ni Mueller hinggil sa alegasyon nitong may nangyari umanong criminal conspiracy noong 2016 US elections.
Pahayag ni Peskov, mariing itinatanggi ng Russia ang naturang paratang na makailang beses na aniyang pinabulaanan ni President Vladimir Putin.
Binatikos naman ng chairman ng information committee ng upper chamber ng Russian Parliament na si Alexei Pushkov ang mali aniyang ulat na inilabas ni Mueller.
Napakalaking pera aniya na mula sa buwis ng taumbayan ang ginastos sa nabanggit na mapanirang report na hindi naman aniya napatunayan na nakialam nga ang Russia sa eleksyon ng Amerika, partikular na sa pakikipagsabuwatan kay Trump.