Inanyayahan ni Kris Aquino si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na mag-kape o mag-San Mig depende sa kung ano ang gusto ng dating vice mayor.
Ang imbitasyon ay ipinarating ni Kris sa pamamagitan ng kanyang Instagram account bilang tugon sa Facebook post ni Duterte noong anibersaryo ng People Power Revolution.
Tugon ito ni Kris sa caption na inilagay ni Duterte sa larawan kung saan nakalagay na ang People Power ay pag-alala sa mga pangakong hindi natupad.
Nakalagay na caption ng larawan ang mga katagang “Sori Krissy ha ‘wag mag-drama…laro nalang ng PS4.”
Sa kanyang imbitasyon kay Duterte, sinabi niyang makakaasa si Paolo na hindi siya magdra-drama.
Sinabi ni Kris na sa kanyang pagkakaalam, tanging si Kitty pa lamang ang anak ng Pangulong Rodrigo Duterte na personal niyang nakilala.
Ayon kay Kris, wala siyang masamang intensyon sa kanyang imbitasyon kundi ang magkakilala lamang sila ni Paolo at magkaroon ng pagkakataong marinig ang isa’t isa dahil masyado nang maraming gawa-gawang isyu ang nasa pagitan ng kanilang mga pamilya.
—-