Nagsalita na ang tinaguriang Queen of all Media na si Kris Aquino laban sa inilabas na video ni Presidential Communications Operations Office o PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.
Ito’y kaugnay sa kontrobersyal na paghalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang Pilipina sa South Korea na inihalintulad sa video ng paghalik ng isang babae sa yumaong dating Senador Ninoy Aquino bago bumaba ng eroplano at mapatay sa Tarmac noong August 21, 1983.
Sa kanyang video post sa Facebook at Instagram, sinabi ni Kris na ayaw niya sanang patulan si Asec Mocha hangga’t maaari dahil sa nirerespeto niya ito bilang isang kapwa babae.
Gayunman, hindi na umano niya matiis ang aniya’y pambabastos umano ng opisyal sa kaniyang mga magulang na siyang nagtulak umano sa kaniya para magsalita na.
Hinamon din ni Kris si Asec Mocha na lumabas para harapin siya at nakahanda umano siyang lumaban upang maidepensa ang pangalan ng kaniyang mga magulang.
PDuterte, dumistansya
Samantala, tumangging magbigay ng reaksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa bangayan nila Uson at Aquino.
Ayon sa Pangulo, mas maganda aniyang hingan ng reaksyon ang kaniyang mga anak na babae na sina Davao City Mayor Sarah Duterte – Carpio at ang bunso niyang anak na si Kitty.
Paliwanag pa ng Pangulo, nakasanayan na aniya sa Davao City kung saan siya nagsilbing alkalde ang ganoong istilo dahil iyon ang kaniyang paraan para mapalapit sa tao.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi pa niya nakausap si Asec. Uson hinggil dito at iginiit na walang malisya sa kaniyang ginawa.
—-