Naniniwala ang Associated Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP na magkakaroon ng krisis sa Pilipinas, oras na pauwiin ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs mula sa Kuwait.
Reaksyon ito ni ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay hinggil sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umuwi na sa bansa ang daan libong OFW sa Kuwait at dito bibigyan na lamang sila ng ayuda ng gobyerno.
Ayon kay Tanjusay, dadagdag lamang ang mga magsisiuwiang OFW sa milyun – milyong kababayan natin na walang trabaho dito sa Pilipinas.
“ Anong gagawin natin sa mga yan? Oo nga, meron nga siyang pera na panggamit para pambayad sa ticket, pambayad sa pamasahe, pero pagdating niyan dito, unang una, yung kanilang skills ay mismatched dito sa skills na available dito sa atin so merong job skills mismatched. Ikalawa, yung binabanggit ko dami ng mga walang trabaho eh, tapos idadagdag mo pa sila dito eh magkakaroon tayo dito.’‘
Dagdag pa ni Tanjusay, dahil sa padalus-dalos na desisyon ni Pangulong Duterte ay maraming nasasakripisyo na kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Isa aniyang halimbawa nito ay ang pagpapasara ng Pangulo sa isla ng Boracay noong Abril 26 kung saan daang libong manggagawa ang nawalan ng trabaho.
“Parang ano tuloy, parang hindi nag-iisip ng maigi ang pangulo. So parang ano siya eh,…. alam naman natin na marami siyang sakit so dapat lalo siyang mag-iingat dahil alam naman natin ang kanyang edad ay vulnerable sa mga mainitan ang ulo so nadadala ng sitwasyon, dapat lagi siyang mag-iingat dahil siya ang pangulo ng ating bansa at nakangla lahat ng pamumuhay at buhay ng mga mamamayang Pilipino sa kanyang mga sinasabi at ginagawa.”
(Balitang Todong Lakas Interview)