Posibleng maulit ngayong taon ang rice crisis noong 2018.
Ito ang ibinabala ng grupong Federation of Free Farmers Cooperative (F.F.F.C.) Sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo at posibleng kakulangan sa supply ng bigas.
Ayon kay F.F.F.C. National Manager Raul Montemayor, ang mga scenario na nararanasan ngayon ay kahalintulad noong 2018.
Bagaman sapat ang supply ng bigas sa bansa hanggang hunyo, inihayag ni Montemayor na ang kakulangan ay maaaring maranasan sa lean months mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Gayunman, ang tangi anyang pinagkaiba ay may kapangyarihan ang national food authority na mag-import noong 2018 bagay na wala sa kanilang mandato ngayon dahil sa Rice Tariffication Law.
Idinagdag ni Montemayor na hindi dapat hayaan ng gobyerno na maulit ang krisis sa halip ay maghanap ng solusyon habang kanya ring ibinabala na maaaring samantalahin ng mga hoarder sakaling magkaroon muli ng rice crisis.