Nanganganib muling tamaan ng krisis sa kuryente ang ilang lalawigang hindi konektado sa power grid o mga “spug areas” dahil sa kakapusan ng budget para sa mahal na diesel, na nagpapatakbo sa mga planta.
Ilan sa inilatag na hakbang ng National Power Corporation (NAPOCOR) ay bawasan ang operasyon ng mga diesel power plant upang pagkasyahin hanggang katapusan ng 2023 ang budget.
Ipinanawagan naman ng grupong National Association of Electricity Consumers for Reforms Incorporated (NASECORE) sa Department of Energy na resolbahin na agad ang kakulangan sa power reserves.
Sa gitna ito nang nagbabadyang pagnipis ng supply sa Luzon grid, lalo sa tag-init.
Iginiit ni NASECORE President Pete Ilagan kay energy Secretary Raphael Lotilla na dapat nang seryosohin ang issue at puwersahin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na gampanan ang mandato nito.
Ito’y upang matiyak ang 24 oras na delivery ng kuryente sa pamamagitan ng paghugot ng power reserves o ancillary services.
Aminado si Ilagan na mas nakakatakot ang katamaran o kakulangan ng aksyon ng DOE kumpara sa pagkukulang ng NGCP sa pagtiyak na may sapat na reserbang kuryente.
Nabigo anya ang NGCP na matiyak ang energy reserves sa pamamagitan ng competitive bidding na nagresulta sa red at yellow alerts.
Dismayado rin ang NASECORE dahil hinayaan ng kagawaran na humantong sa ganitong sitwasyon at paglimita sa papel nito bilang forecaster ng power situation sa halip na gumawa ng mga solusyon at ipatupad ang batas.