Nagpahayag ng pagkabahala si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano sa tila aniya’y pagiging ordinaryong kapangyarihan na lamang ng martial law na kusang ibinibigay sa Pangulo.
Giit ni Alejano, mas mabuti kung nagkaroon ng malalimang pagtalakay sa martial extension dahil isa aniya itong seryosong bagay.
Aniya, dapat isina-alang-alang ng mga mambabatas ang naranasan noong nakaraang martial law sa panahon ng rehimeng Marcos kung saan maraming nangyaring pag-abuso.
Naniniwala rin si Alejano na kayang tapusin ang krisis sa Marawi City nang walang deklarasyon ng batas militar.
Kaugnay nito, sinabi ni Alejano na kanilang pinag-aaralan ang muling paghahain ng petisyon sa Korte Suprema para hilingin ang pag-alis ng inaprubahang limang buwang martial extension ng Kongreso na nakuha ng kabuuang botong 261.
- Krista De Dios