Hindi malayong maulit ang naranasang krisis sa tubig sa susunod na taon dahil wala pa ring bagong pagkukuhanan ng tubig ang Maynilad at Manila Water.
Ito ay ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, kung saan aniya kahit maulan na ngayong panahon ay nananatili pa ring kritikal ang water level ng Angat Dam, kaya’t kung hindi umano ito mapupuno ay posibleng maulit ang krisis sa tubig.
Ani Ty, maaaring gamitin ang tubig-dagat ngunit may kaakibat itong dagdag-bayad dahil sa mga prosesong pagdadaanan nito gaya ng desalination o pagtatanggal ng asin at iba pang impurities.
Kasabay nito, hinamon ni Ty ang mga opisyal ng Maynilad na inumin ang malabong tubig na lumalabas sa mga gripo na sinasabi nilang ligtas inumin kahit iba ang kulay nito.