Posibleng maulit sa ilang bahagi ng Metro Manila ang krisis sa tubig noong 2019.
Ito ang ibinabala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa sandaling maudlot ang konstruksyon o operasyon ng kaliwa dam matapos ang taong 2027.
Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Lester Ty, kabilang ang Kaliwa Dam sa bagong water source projects na pinaka-mahalaga upang matiyak ang walang-patid na supply ng tubig, partikular sa west concession zone.
Saklaw nito ang mga customer ng Maynilad sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, ilang bahagi ng Quezon City, Maynila, Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, maging sa Bacoor, Imus, Kawit, Rosario at Noveleta, Cavite.
Kung hindi anya makapag-se-serbisyo sa publiko ang nasabing water reservoir matapos ang taong 2027, magkakaroon ng problema sa supply na gaya nang nangyaring krisis noong 2019.
Isinusulong ng MWSS ang development ng kontrobersyal na New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project sa Tanay, Rizal na layuning mapigilan ang nagbabadyang water crisis sa Metro Manila at iba pang lugar.
Gayunman, tinututulan ito ng ilang grupo, kabilang ang mga katutubong Dumagat-Remontado, dahil maraming komunidad ang maaapektuhan at makasisira ang proyekto sa kanilang ancestral domain.