Tiniyak ng Philippine Drug Enforcement agency o PDEA na gagawin nila ang lahat para masugpo ang iligal na droga sa bansa.
Ito ay sa kabila ng pag-aming mahihirapan sila sa mabigat na tungkuling iniatas sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos silang italaga bilang pangunahing ahensiya na hahawak at tututok sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi PDEA Director General Aaron Aquino na humihingi siya ng appointment kay Pangulong Duterte para mailatag ang mga problemang kinakaharap ng ahensiya.
Ayon kay Aquino, bukod sa mga tauhan ay kulang din ang PDEA sa mga kagamitan na makatutulong para sa matagumpay na paglaban sa iligal na droga.
“Gusto kong i-lay down sa kanya na Sir ito ang problema ko, ito ang problema ng PDEA, how can we focus on your priority program kung ito pa lang problema na kami, wala kaming tao, tapos ine-expect ng taong bayan at ng Pangulo na mataas ang delivery natin in terms of illegal drugs.” Ani Aquino
Kasabay nito, umaasa si Aquino na pansamantala lamang ang kautusan ni Pangulong Duterte.
“Tinatanong kung kaya daw ba ng PDEA, ang sabi ko it’s just like asking the question if we can do it, yes or yes, wala namang option na no, yes lagi, kahit nakikita kong malaki ang kakulangan namin eh talagang kakayanin namin ang laban na ito kahit wala na ang ibang law enforcement agencies, pero again kung mapagbibigyan sana, sana temporary lang ito, sana maibalik ang PNP, kasi PNP gives us a big contribution in terms of accomplishment sa iligal na droga.” Pahayag ni Aquino
(Balitang Todong Lakas)