Pambili lamang ng bakuna ang inihingi ng pondo ng Department Of Health at hindi ang iba pang malaking pagkakagastusan tulad ng storage sa freezer, distribution, transportation, bayad at training nang magtuturok at mga gamit sa pagtuturok.
Ito ang lumitaw sa deliberasyon sa panukalang budget ng DOH para sa susunod na taon matapos na mapuna nina Senate President Protempore Ralph Recto at Senador Pia Cayetano.
Tinatayang P7-B ang kailangan para sa mga nasabing bagay na may kaugnayan sa pagbili ng bakuna at kung ang bibilhing pinakamurang storage ay hanggang -10 °F.
Ayon kay Recto nakakadismayang maliit na nga ang inilaang budget para sa pagbili ng bakuna, hindi pa aniya isinama sa pinapopondohan ang supply chain o ang pag-iimbak at pamamahagi nito na tiyak na mas mataas ang presyo kaysa sa bakuna.
P2.5-B lang ang inilaan ng Malakanyang na pambili ng bakuna na itinaas ng senado sa P18-B bagamat may P10-B na unprogrammed o depende sa availability ng pondo.
Sinabi ni Recto na may pagkakataon sila sa senado na padagdagan ito kahit pa anya gawing P150-B ang unprogrammed budget para dito, ang mahalaga ay mayroong standby authority na para sa pagbili ng gobyerno ng bakuna kapag naging available na ito. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)