Nais ni MMDA o Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim na muling buhayin ang pagkakaroon ng kultura ng disiplina ng mga mamamayan para sa mas maayos na pagpapatupad ng mga batas trapiko.
Kung iisipin aniya ay simple at madali lang ang pagsunod sa mga batas trapiko.
“Ang traffic problem natin ay malala talaga yan, sabi ko magsimula muna tayo sa basic, anong ibig sabihin niyan, yung basic implementation ng batas trapiko, ng traffic rules and regulations, kung ang sasakyan ay hindi dapat nasa lansangan, dapat wala yan diyan, kung no parking area dapat walang nakaparada diyan, yung mga nakakasagabal sa lansangan dapat wala yan, let’s go back to basic implementation, sustained, tuluy-tuloy at seryosong pag-iimplementa ng mga batas trapiko. Let us develop yung pag-respeto sa batas, nang makapag-umpisa tayo ng culture of discipline. Implementasyon, pagsunod, pagrespeto, disiplina, kahit paano may kaayusan na unti-unting maibabalik sa ating mga lansangan.” Ani Lim
Maari rin aniyang sumailalim sa retraining ang mga constable para magkaroon ng disiplinang militar.
“Kapag sinabi nating disiplina, disiplina para sa lahat, hindi lang sa mga motorista, pedestrians, traffic enforcers, para sa lahat. Yung mga kasama naman natin bago nade-deploy yan ay dumadaan sa training, makakatulong din kung every now and then ay magkakaroon sila ng training at in the process ay bigyan natin ng disiplinang militar.” Dagdag ni Lim
Kasabay nito ay tiniyak rin ni Lim na agad na aaksyunan ang anumang klaseng katiwalian sa kanyang kagawaran.
Si Lim ay isa sa mga dating military officials na in-appoint ni Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon.
Nagsilbi rin itong Deputy Commissioner ng Customs sa ilalim ng Aquino administration ngunit nagbitiw sa puwesto noong 2013.
Noong 2006 ay nakulong si Lim dahil sa pagkakasangkot sa pagpaplano ng kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at napabilang rin sa kudeta laban kay dating Pangulong Corazon Aquino noong 1989.
By Katrina Valle | Ratsada Balita (Interview) | AR
Kultura ng disiplina sa kalsada muling buhayin—MMDA Chief was last modified: May 30th, 2017 by DWIZ 882