Dapat nang matuldukan ang tradisyon ng Philippine National Police Academy (PNPA) na pambubugbog ng mga lower class sa kanilang senior cadets para makaganti.
Iyan ang reaksyon ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa kasunod ng napaulat na bugbugan pagkatapos mismo ng graduation rites ng PNP class Maragtag of 2018.
Ayon sa PNP Chief, nalulungkot siyang aminin na ang naturang tradisyon aniya ang nagsusulong ng kultura ng karahasan sa mga batang pulis.
Kahapon, isinapubliko na ng PNPA ang pangalan ng mga junior cadets na nasangkot sa pambubugbog sa anim na nagsipagtapos na miyembro ng Class Maragtag kung saan, ilan sa mga ito ang nagsampa ng kasong criminal.
Kabilang sa mga pinangalanang suspek sina Cadet 2nd Class Donald Ramirez Kissing; Jem Camcam Peralta; Clint John Baguidodol; Paul Christopher Macalalad; Loreto Tuliao Jr; at apat na iba pa.