Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalatayang Katoliko na tigilan na ang pagiging makasarili at pa-iralin ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa.
Ito ang binigyang diin ng Kardinal sa kaniyang misa sa Tondo Maynila kahapon, higit na kailangan aniya ngayon ang pagdadamayan upang maibsan ang lungkot na nararamdaman ng kapwa at maiparamdam ang pagkalinga sa bawat isa.
Ayon pa kay Tagle, maraming tao aniya ngayon ang buhay pa ngunit tila patay na dahil sa kawalang pakialam sa mga pangyayari sa paligid tulad ng kaliwa’t kanang patayan, bangayan sa pulitika at pagkakawatak-watak ng bawat isa.
CBCP
Tinawag ni Archbishop Socrates Villegas ang Setyembre 21 bilang araw ng kahihiyan, araw ng kadakilaan at araw ng pagbabantay.
Ito ang mensahe ng arzobispo sa kaniyang misa sa kapistahan ni San Mateo kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law kahapon.
Binigyang diin ni Villegas na araw ng kahihiyan ang Setyembre 21 dahil sa nabigong pangako ng bagong lipunan ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na isang malagim na bahagi ng kasaysayan.
Araw ng kadakilaan naman ayon kay Villegas ang nabanggit na petsa dahil dito aniya sumibol ang tapang at malasakit ng mga nakipaglaban sa diktadurya upang makamit ang ninakaw na demokrasya bukod pa sa kaban ng bayan.
Kasunod nito, sinabi rin ni Villegas na araw ng pagbabantay ang Setyembre 21 sa posibleng pagbabalik ng diktadurya bunsod ng walang patid na patayan sa ilalim ng kampaniya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.
—-