Hindi pabor si dating Justice Secretary at ngayo’y Senadora Leila De Lima na magkaroon ng ala-Alcatraz na kulungan para sa mga bigtime drug lord at kilabot na kriminal.
Ginawa ni De Lima ang pahayag kaugnay ng sinasabing plano ni Pangulong Rody Duterte na ilipat sa ibang pasilidad ang mga malalaking drug offender na nasa National Penitentiary System.
Subalit binigyang diin ni De Lima na hindi na angkop sa makabagong panahon ang pagkulong sa mga bilanggo sa malayong isla tulad ng Alcatraz Federal Penitentiary sa California.
Kaugnay dito, inamin ni Senadora Leila De Lima na tila nagkaroon ng kapabayaan sa nakaraang administrasyon pagdating sa kampanya laban sa iligal na droga.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni De Lima na hindi sana lumala ang mga problema sa droga at kriminalidad kung maayos ang law enforcement sector at criminal justice system.
Giit ni De Lima, marami pang kailangang ayusin sa pagpapatupad ng batas at malaking balakid dito ang isyu ng korapsiyon o katiwalian.
By: Jelbert Perdez