Iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kumakalat na audio clip online na nagbababala sa di umano’y ipatutupad na total lockdown ng pamahalaan sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, paiimbestigahan aniya ang phone clip na kalauna’y nagdulot ng takot sa publiko gamit ang maling impormasyon o ‘fake news.’
Magugunitang tinatrabaho ngayon ng NBI Cybercrime Division ang mga ‘fake news’ na pinapakalat tungkol sa COVID-19.
Kasunod nito, pinadalhan na ng subpoena ang ilang indibidwal kabilang ang social media user na nag-post tungkol sa pagbili di umano ng pamahalaan ng jet na nagkakahalaga ng P2-bilyon sa halip na gamitin na lamang sa pagtugon sa krisis na kinakaharap ng bansa.