Tinawag na fake news ni IATF Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang kumakalat na balitang posibleng palawigin muli ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Nograles na hindi nila napag-uusapan sa IATF meetings ang panibagong extension sa ECQ, oras na magtapos na ito sa Abril 30.
Kasabay nito, hinimok ni Nograles ang publiko na maging mapanuri sa mga maling impormasyong ipinakakalat lalo na sa social media.
Una nang pinalawig ang ECQ na sinimulang ipatupad noong Marso 17 na magtatapos sana bukas Abril 13.
Gayunman, binigyang diin ni Nograles na pinalawig pa ito para matukoy ng pamahalaan ang epekto ng enhanced community quarantine gayundin ang mas mapataas ang kapasidad sa usaping pangkalusugan ng bansa tulad ng pagsasagawa ng 8,000 hanggang 10,000 COVID-19 tests kada araw.